Magandang araw! Kamusta mga dabarbricks! Ako
si Leslie Araujo, Ambasador ng PinoyLUG (Pinoy LEGO® User Group) mula sa Pilipinas. Batid ko ang pagkasabik at kuryosidad
ninyong lahat sa suring-basa na ito nang “LEGO® Ideas 21309 NASA Apollo Saturn
V” sa wikang Filipino.
- Pasasalamat
Bago tayo mag simula, nais ko munang pasalamatan
ang ating mga kaibigan na nagtrabaho at nagmalasakit upang gawing posible ang
proyektong ito. Sila sina Ginoong Jacky Chen (Community Manager – Asia) at ang buong
grupo ng LCE (LEGO® Community Engagement) gayundin ang pangkat nang LEGO® Ideas
sa pagtitiwala at suporta na ibinigay sa PinoyLUG upang ibahagi itong makasaysayang
oportunidad na suriin at bigyang buhay ang isang “pre-release” na pinakabagong produkto.
Ang “LEGO® Ideas 21309 NASA Apollo Saturn V”. Bahagi ang Pilipinas sa mga unang
nagkaroon ng modelong ito sa buong mundo. Muli, kami po ay lubos na
nagpapasalamat.
- Paglingon
- John F. Kennedy (Mayo 25, 1961)
Dekada ’60… Ang isang tila imposibleng
pangarap ang nagkatotoo. Nang nabuksan ng sangkatauhan ang pagkakataong maka
tungtong sa ibang mundo. Ngunit, sa likod ng kasaysayang ito ay may 400,000 na
mga inhinyero at tekniko na nagsaripisyo ng oras at kaalaman upang
maisakatuparan ang napakalaking proyektong ito sa kasaysayan ng tao at mundo.
Ang Saturn V…
Salamat
sa LEGO® ngayong taon (2017) simula Hunyo 1 ay maaari ninyo nang maiuuwi ang pambihirang
modelong ito. Katulad ng totoong Saturn V, maraming “una” ang ang nabanggit na
modelo. Ito sa ngayon ay ang pinaka matangkad na LEGO® Ideas, gayundin ang
karton nito bilang pinaka malaki sa serye ng kanilang hanay.
Ang 21309 NASA Apollo Saturn V ng LEGO® ay
mayroong 1,969 pirasong laryo, na katumbas ng aktual na taon ng “Apollo 11”!
Ang unang “Lunar Mission” kung saan unang nakapag padala ng tao na lumapag sa
Buwan noong 1969! Hulyo 16 upang maging eksakto.
Ang karton ay may temang kalawakan. Prominente ang itim na kulay, na maaring maihalintulad sa kalangitan sa gabi na puno ng mga
bituin. Sa likod na bahagi neto ay mga ilustrasyon at larawan ng Saturn V
Rocket System. Katulad ng orihinal na disenyo ng mga Aleman na inhinyerong sina
Wernher von Braun at Arthur Rudolph, ito ay may tatlong yugto bilang pinaka
malakas na rocket nuong panahong yaon, para maisakatuparang ang programa at bawat
misyon ng Apollo sa karera papuntang Buwan.
Ang laman sa loob ay nag binubuo ng 12 na
pakete ng supot at isang Manwal. Hindi ko alam kung ito ay sinadya ngunit sa
isa pang pagkakataon, ang laman sa loob ay trese, Katumbas nito ang kabuoang 13
beses na ito ay nailunsad sa Kennedy Space Center. At kung sa tagumpay ng paglunsad
naman ang pag uusapan ito ay may kabuoang 12 (Sumimbulo sa 12 na pakete ng supot
ng laryo) at isang “semi successful” (Apollo 6) na pwedeng sumimbulo sa Manwal,
na ang layunin ay itama ang mga naging problema at mapahusay ito. Mahusay!
- Simula ng Paglalakbay
UNANG YUGTO
Ang paglalakbay natin ay masisimula sa unang babang bahagi ng Saturn V ang S-IC.
Sa pag buo ng bahaging ito, kinakailangan
natin ang mga pakete ng supot bilang 1-6.
Sa supot bilang 1, magsisimula tayo sa
kaibuturan ng unang parte ng pabilog na bahagi ng modelo. Sa umpisa ay medyo
komplikado at parang hindi solido ang pagbuo. Ito ay ang unang panloob na
bahagi pero habang tumatagal sa pag dagdag ng mga ibang parte, ito ay bahagyang
tumitibay.
Ang supot bilang 2 ay madali gawin, dahil ito ay isang parte na panlabas o pangalawang patong na bubuoin mo ng 4 na beses. Sa bahaging ito kami ay masayang makita ang mga “printed tiles” ng mga letrang USA at ang kanilang watawat sa pagbuo nito. Para saakin mas mainam ito para iwas mali sa pagdidikit kung ikaw ay hindi sanay mag lagay ng mga etiketa sa mga laryo.
Ang supot bilang
3-4 naman ay pagpapatuloy nang pag papatibay sa itaas na bahagi at sidings ng
unang yugto ng rocket na ito. Sa supot 5 naman ay ang pagsasara ng espasyo na
tila mukhang exhaust sa gitnang bahagi.
Sa supot bilang 6 naman ay ang napaka
gandang parte sa pagbuo ng 5-Rocket F-1 engines. Ito para sa akin ang isa sa
pinaka paborito kong parte ng pagbuo ng Saturn
V. Punong puno siya ng detalye at nakaka aliw ang itsura.
Sa unang yugto ng pag bubuo natin ay
napansin ko na nagsimula tayo sa baba pataas at bumalik uli sa bandang ibaba
para magpatuloy ang pag gawa sa mga napakalakas na rockets sa ilalim. Ganap
itong matibay at solidong gawa na sing laki ng termos.
IKALAWANG YUGTO
Ang S-II ay ang gitnang bahagi ng Saturn V,
dito kailangan natin ang mga pakete ng supot bilang 7-10. At katulad nang unang bahagi na ginawa natin
sa S-IC. Ang unang bahagi sa loob ang ay nagsisilbing mga pundasyon at sa
kalaunan ay papatungan ng mga bahagi panlabas. Ito muli ay may mga simpleng
“printed tiles” na ang nakalagay naman ay “United States.” Mapapansin din ang
tila iba ibang kulay nito sa loob na hindi naman nakikita, marami ang nagtataka
at nagtatanong kung bakit at para saan nila ginagawa ang mga ito.
Ang sagot dito ay sa kadahilanang nagsisilbi
itong palatandaan sa pagkabit ng iba’t ibang parte upang tayo ay hindi malito.
Ang pag buo ng gitnang bahagi ay bahagyang patulad nang ginawa natin sa unang yugto ngunit mas maliit. Sisimulan sa baba pataas at babalik muli sa baba para sa limang J-2 Engines.
IKATLONG YUGTO
S-IVB Rocket Stage ang ikatlo at huling
bahagi sa misyon sa paglapag ng tao sa Buwan. Ang S-IVB ay may isang J-2 Engine.
Dala nito sa loob ang “Command Service
Module” na pininipiloto ni Michael Collins at ang “Lunar Module” na lalapag
kanina Mission Commander Neil Armstrong and Pilotong Astonaut na si Buzz Aldrin
sa Buwan.
- Lumapag na Ang Aguila
Mayroong 4 (1 sobra) na micro astronauts na
kasama sa huling pakete ng supot bilang 12. Kasama nito ang “Lunar Module” na
napaka husay ng pagkakagawa at isang “printed tile” sa isang malinaw na laryo ng
watawat ng Estados Unidos.
Ang Columbia naman ay simple at eksakto sa
pagkakarepresenta. Ang kulay-dalandan na palutang sa buong gilid nito at mga
dilaw na lobo sa ibabaw ay tamang tama para ito ay maging pansinin. At ito ah
gawa sa 10 klaseng laryo lamang.
Kasama dito ang 3 asul na patungan. Bawat
isang rocket ay meron. Kung gusto mong isang buo o hiwalay sa tatlo ay maaari
base sa kung anong nais mo ilahad o makita.
- Ang Hatol
Sa pang kalahatan, ang 21309 NASA Apollo
Saturn V ng LEGO® ay isang magandang obra at napapanahon. Sa tindig at kabuoang
39 inches, ito ay nag sisilbing inspirasyon sa napakaraming bagay. Ang mangarap
at sumubok hanggang saan kakayahin at ang di pagsuko sa pagtupad ng mga
layunin.
Gaya ng pag buo ng Saturn V, matibay at
kakaibang mga teknik ang pinamalas ng mga nag disenyo nito. Marapat lamang siya
bigyan ng espasyo sa sa pook ng iyong tahanan bilang isang tagahanga. Isang makasaysayang obra at simbolo na walang
imposible. Ito ay nirerekomenda ko na ayon sa edad na nakatakda at isang napaka
makatuparang pagbuo na naibigan ko.
- Pangwakas
Ang buong grupo ng
PinoyLUG ay labis na nagpapasalamat sa pagkakapili ng the LEGO® Group sa aming hanay upang mag
sulat ng masusing pagsusuri sa inyong pinakabagong produkto na sa tingin ko ay
maiibigan ng maraming tao sa buong mundo, hindi lang ng mga taong mahilig sa agham
kundi rin ng mga taong mahilig sa LEGO®.
Sa muli, isang malaking
pagpupugay sa buong pangkat ng LEGO® sapagkat nabigyan ng hustisya ang selebrasyon ng
anibersaryo ng “Lunar Landing”. Ito ay, inuulit ko, napapanahon at sinisimbolo
nito ang malawak at matatalas na pagiisip ng mga tao di lang sa NASA kundi ng
lahat ng tao, anuman ang lahi at kasarian, sa buong mundo.
Mabuhay ang LEGO® at
mabuhay tayong lahat!
***Ang mga larawan ay kuha po ng inyong lingkod. Nais ko rin pong pasalamatan ang aking mga kaibigan na sina Noel, Garry, Klark, Keith, Jonjon, Amy, Yhola, Jac, Mei, Kathy, Shellanie, Hermrei at Ness sa partikular na proyektong ito. Maraming salamat sa suporta at pasyensha :)
#PinoyLUG #MasterBuildersOfGoodVibes #LEGOSaturnV #LEGOApollo11
Napa kalinaw ng pag kaka paliwanag ginoong amabasador leslie :)
ReplyDelete